top of page

"Puting Sobre para sa mga Bobong Botante"

  • yourvoiceyourvote
  • Oct 19, 2015
  • 2 min read

Siguro, isa sa mga pinaka hindi ko makakalimutang eksena sa pelikulang Heneral Luna ang pinaka unang pagpapakilala sa mga pangunahing tauhan na nagpupulong tungkol sa pananakop ng mga Amerikano.

Nakapalibot sa isang mesa ang pangulo na si Aguinaldo, si Mabini, ang kanyang punong ministro at mga miyembro ng kanyang gabinete. Iminungkahi ni Heneral Antonio Luna na unahin ang pag-atake sa mga Kano habang hindi pa sila dumadaong ngunit takot si Buencamino at Paterno na baka masyado pang maaga ang pagkilos na ito.

Alam ni Luna ang tunay na dahilan. May mga personal na interes na kailangang protektahan ang dalawang ito. Hindi lingid sa kanilang lahat ang pagiging balimbing ni Buencamino at Paterno, na kumakampi lang sa nananalo.

Isang sigaw mula kay Luna ang narinig. "Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Mamili ka!"

Lampas sa mga eksena ng pelikula, nauukol na paksa ngayon ang katanungang ito dahil panahon na naman ng eleksyon. Ngayong Oktubre pumipila na sa COMELEC ang mga matutunog na kandidato ng pagka-presidente.

Nauna ng nagdeklara sina Binay, Poe at Roxas at inaasahan pang sumunod si Santiago at Duterte. Siguro naiisip niyo, mga mambabasa, na imumungkahi kong dapat hingan ng kasagutan sa ating tanong ang mga kandidatong ito.

Nagkakamali kayo.

Hindi para sa kanila ang katanungan kundi para sayo. Para sayo. Para sayo. Para sa ating lahat na naririto dahil hindi naman sila ang magluluklok sa kanilang sarili. Tayo. Tayong lahat.

Bilang demokratikong bansa, isa sa ating mga karapatan ang kapangyarihang iluklok ang sinumang nasa isip natin ay karapat-dapat na maluklok sa mga makapangyarihang posisyon sa gobyerno.

Ngunit kaakibat ng karapatang ito ang higit ng malaking responsibilidad na maging masigasig sa pagpili kung sino ang iboboto.

Marami sa atin, lalong lalo na sa social media, ang mariin kung bumatikos sa gobyerno. Sisisihin ang kung sino man ang naluluklok na dahilan ng kanilang kahirapan. May ilan pang pinaparangalan ang Martial Law at nagsasabing mabuti pa noong panahonni Marcos, may disiplina ang tao.

Karamihan din ay bulag na sumusunod sa dilaw at iniisip na ang pangalang Aquino ang nagbigay sa atin ng demokrasya sa pamamagitan ng People Power sa EDSA.

Hindi ba't napakagandang pakinggan. People Power. Kapangyarihan ng mga mamamayan. Ngunit hindi si Marcos o si Aquino ang nagbigay sa atin ng kapangyarihang ito. Ito ay galing sa ating sarili.

Ilan nga ba sa atin ang may lakas ng loob na sabihing "Ganito ang Pilipinas dahil sa akin"?

Sa panahon ng eleksyon, normal na lang sa ating makakita ng mga selyadong sobreng naglalaman ng pera na regalo umano ng kandidato sa mamboboto. Oo, sa panandaliang panahon, maiibsan ang iyong kahirapan. Magkakaroon ka ng pagkain para sa ilang araw. Ngunit sa halagang isang daang piso na natanggap mo kapalit ng isang boto sa tusong kandidato, anim na taong pandarambong at harap-harapang pagpapaunlad ng pansariling interes ang makikita mo sa gobyerno.

At ano ang gagawin mo? Pupunta sa EDSA para magrally at tatangkaing pabagsakin ang rehimeng patuloy na nagpapahirap sa Pilipinas.

Hindi sila ang dahilan. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Tayo. Tayo ang nagpapahirap sa Pilipinas.

Paano ka boboto? Dahil sa tanyag pangalan ng kandidato? Dahil sa perang ibinigay sa'yo?

Bayan o sarili? Mamili ka.

—R (Ignore Rants)

 
 
 

コメント


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
  • Facebook - White Circle
  • Twitter - White Circle
  • Instagram - White Circle

Copyright © 2015 by Your Voice Your Vote: Election 2016 Philippines. All rights reserved.

bottom of page